Kung may isang bagay na masasabi tungkol kay Manny Pacquiao, yan ay ang taglay nyang tapang at gilas para lampasan ang kung ano mang pagsubok na iharap sa kanya sa ibabaw ng boksing ring.
Pinatunayan nya ito noong 2001 nang patumbahin nya ang dating madalas iwasang kampeon ng dibisyon na Super Bantamweight na si Lehlohonolo Ledwaba.
Pinatunayan nya ito muli noong 2003 nang pinasuko nya at pinawagayway sa kampo ni Marco Antonio Barrera and puting bandera habang dinemolisyon nya ang tanyag na Meksikanong boksingero sa loob ng labing isang rounds.
Pinatunayan niya rin ito laban kay Erik Morales- sa dalawang pagkakataon- ng talunin nya ito at itumba habang kinukutya sya ng marami na hinde raw siya bihasang boksingero at kaya nya lang manalo sa pamamagitan ng matindi nyang kaliwang suntok.
At kamakailan lamang, muli nanaman siyang kinuwestyon kung kaya nya nga ba talagang umakyat ng timbang sa dibisyon ng lightweight laban sa kampeon na si David Diaz. Ngunit, paulit ulit man syang kwestyunin at pagdudahan, tila ata lalo lang lumalakas at gumagaling si Manny habang lumalaki ang pagsubok.
Sa dami ng nagsasabi na isa sa pinaka magaling na boksingero sa mundo si Juan Manuel Marquez, hahabulin ba nito si Pacquiao pagkatapos ng huli niyang pagkatalo dito na para bang dating nobya na naghahanap ng sustento, kung alam niya na si Pacquiao ay isang pangkaraniwang boksingero lamang? (E bakit kaya hinde nya ren habulin si Chris John?)
Si Pacquiao ay isang hinde pangkaraniwang atleta na dumarating lamang minsan sa talambuhay ng isang tao. Alam natin lahat yan. At alam rin ni Oscar De la Hoya yan! Pasalamat nga tayo sa kanya, dahil sa laban na ito, mas marami sa boong mundo ang makakaalam na rin ng matagal na nating alam. Sige, sabihin na natin na malaki nga ang pera na kikitain sa laban na ito- e ano ngayon?! Buti nga para kay Manny nang mas marami pa ang matulungan niya.
Ngunit alam din ni De la Hoya na ang laban nila ni Pacquiao na ito ay ang tipo ng laban na magbabalik sa boksing sa unang pahina ng mga pahayagan. Kahit sa isang laban lang na ito, maibabalik ni Pacquiao at De la Hoya ang mga panahon na kung saan ang boksing ay isa sa mga pinaka tanyag na paligsahan sa larangan ng palakasan.
Nakilala si Oscar De la Hoya bilang “Golden Boy” dahil na rin ito sa makasaysayan nitong career na kung saan nilabanan nya ang pinakamalalaking pangalan sa isport ng boksing tulad nila Julio Caesar Chavez, Pernell Whitaker, Tito Trinidad at Shane Mosley. Minsan pa nga’y umakyat rin si De la Hoya ng halos dalawanpung pounds na timbang mula sa orihinal niyang timbang para labanan ang dating kampeon ng middleweight dibisyon na si Bernard Hopkins. Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit siya binabatikos ngayong binibigyan nya lamang ang isang kapwa niyang boksingero ng pagkakataon tulad ng minsan niyang nakuha. Alingsunod sa mga dati niyang binitawang mga salita, hangad ni De la Hoya ang lumaban sa pinakamalalaking entablado. At wala ng mas lalaki pa kaysa sa laban nila ni Pacquiao.
Sa madaling salita, ang dalawang boksingerong ito ay tila tinakda para magkatuwang sa loob ng boksing ring. Kumbaga sa ibang dimensyon kung saan namumuhay ang mga diyos at diyosa ng boksing, matagal ng iginuhit sa tadhana upang si De la Hoya at Pacquiao ay magharap at magkasamang sumulat ng sarili nilang alamat.
Kalimutan na natin ang pera; misan may mga bagay sa buhay na walang katumbas na halaga. Wag na rin nating iinda ang lamang ni De la Hoya sa laki, at ang iba pang mga isyu tungkol sa timbang, idad at kung ano ano pa; upang makamit ang pinakamataas na karangalan, talagang kailangan dumaan sa matinding mga pagsubok. Kaya nga naman imbes na kwestyunin natin si Manny ay dapat natin siyang gawing inspirasyon sapagkat ipinakita niya sa atin na kahit ano pa ang sabihin ng iba, walang imposible basta’t magsikap at wag matakot lumaban.
Ito ang ating pagkakataon muling mamulat sa ginintuang mga panahon ng boksing na kung saan nangibabaw ang husay, tapang at galing kontra sa laki at timbang tulad ng panahon nila Henry Armstrong at Sugar Ray Robinson.
Mag mistulang piñata kaya ang makisig na mukha ni Oscar De la Hoya sa mga sapak ni Pacquiao? O dito na nga ba titigil ang byahe ni Manny sa pag giba ng mga pagsubok na sinasabi ng karamihan na hinde nya kayang lampasan? Gustuhin mo man o hinde, isang bagay lang ang masasabi ko. Dahil sa laban na ito, muli nanamang pinaguusapan ang boksing ng mga masa sa buong daigdig.
Sabi nga sa akin minsan ng isa kong kaibigang aktres. “Kung hinde ako pwedeng maging maganda, mas gugustuhin ko na lang mawala.” At kaya lang din naman ang laban na nito’y magaganap- napakaganda ng laban na ito para hinde mangyare at mawala. Minsan na itong muntik na maudlot, at sa dami na rin ng bumabatikos, kung hinde lang ren ito espesyal, ay matagal na rin sana itong hinde natuloy.
Ba’t ka pa kokontra? Enjoyin mo na lang. Andito na ito, kaya mas mabuting lasapin mo na at sulitin ang bawat saglit habang andyan dahil maaring hinde na ito maulit muli sa durasyon ng ating buhay. Pero ikaw bahala, pwede ka ren magreklamo, magprotesta at umiyak tulad ng iba diyan, ngunit nakasisiguro ako, pagdating ng ika 6 ng Disyembre, manonood ka rin ng laban na tinawag na “The Dream Match” tulad namin.